Pilipinas
Organization
Website
Pagmamanman sa Komunikasyon sa Pilipinas:Mga Batas at ang Laban para sa Karapatan sa Privacy o Pagiging Lihim ng Komunikasyon
Note: this report is also available in English
Pambungad
Ang Pilipinas ay kinikilala bilang "sentro ng pagte-text sa bung mundo" , "sentro ng social networking sa mundo" at ang pangpinansyang distrito nito ay tinaguriang "pinaka-selfie na lungsod sa mundo." Ang mga datos ay kusang inilagay at ipinamahagi ng mga "netizens" (mga mamamayan sa mundo ng social media) sa mga social media network sa pamamagitan ng cellphone at mga telepono, at ito ay nagsisilbi bilang gintong balon para sa ano mang pagmamanman na aktibidad ng estado. Bawat araw ay nagpapadala ng 2 bilyong mensahe sa text ang 106.5 milyong gumagamit ng cellphone sa Pilipinas. Halos wala nang gumagamit ng landline, meron na lang 4 na gumagamit nito sa bawat 100 katao, at pangunahing gamit na sa komunikasyon ang cellphone. Gayun pa man, ang di-pagkakapantay-pantay sa pagkakaroon ng ganitong teknolohiya ay nananatiling talamak kahit matapos ang deregulasyon o kawalan ng pagkontrol sa industriya ng telekumunikasyon. Ang Pilipinas ay pang-98 sa buong mundo sa Information and Communications Technology Development Index (IDI) , pinakamababang puntos kumpera sa mga kalapit na bansa sa Asya.
May dalawang monopolyo na kumokontrol sa industriya ng telekomunikasyon sa bansa: ang Globe Telecoms at ang Philippine Long Distance Telephone (PLDT). Ang mga imprastrakturang pangkomunikasyon ay kontrolado ng mga korporasyon. Ang mga komunikasyon at transaksyon ng gobyerno ay kinakailangan na dumaan sa mga pribadong imprastraktura at daluyan, na isang konsiderasyon para sa mga sensitibong impormasyon. Dahil dito, kalakhan ng mga aktibidad na pagmamanman ay kinakailangan ng kooperasyon mula sa mga monopolya ng telecommunication. Sa katunayan, ang kontrobersyal na "Hello Garci" wiretapping (paniniktik sa pamamagitan ng pagkabit sa linya ng telepono) na insidente, na siyang magiging tutok ng ulat na ito, ay naisagawa sa tulong ng isa sa mga tauhan ng pribadong korporasyon.
Dagdag pa, ang Pilipinas ay isang matagal nang alyado ng Estados Unidos (US), bilang dating kolonya. Iba't ibang mga kasunduan ang nagawa na nagpapahintulot sa sandatahang lakas ng EU na gamitin ang mga lokal na rekurso para sa mga pagsasanay pangmilitar, para sa estratehikong pagpupwesto ng mga armas, at para sa mga aktibidad na pang malawakang pagmamanman. Inilabas ni Edward Snowden noong Marso na ang programang pangmamanman na MYSTIC na pinatatakbo ng US National Security Agency (NSA) ay binabantayan ang mga lokal na teleco at "kinakayod ang mga mobile network para sa mga di-umano ay metadata - impormasyon na nagpapakita ng oras, pinagmumulan ng mga tawag at ang mga tinatawagan."
Habang ang ibang mga gobyerno ng mga bansa tulad ng Brasil at Alemanya ay naproprotesta laban sa ilegal na pagmamanman na ginagawa ng NSA, ang Pangulo ng Pilipinas na si Benigno Simeon "Noynoy" Aquino ay hindi man lang pamilyar sa kaganapang ito at pinahintulutan pa ang isa pang kasunduan sa pagitan ng US hinggil sa ibayong kooperasyong pangdepensa, na magbubukas naman sa dagdag pang aktibidad na pagmamanman. Sa isang pahayag ng Computer Professionals’ Union (CPU), nagbigay babala na ang Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA) "ay isang paanyaya para sa pagmamamanman, drones (mga pinapalipad na kagamitan sa pagmamanman) at pagtatatag ng mga panibagong estasyon sa pagsubaybay sa mga radyo at iba pang signal, na labag naman sa karapatan sa privacy at soberanya."
Sa ulat na ito, titignan natin ang kalagayan ng pagmamanman sa komunikasyon sa Pilipinas. Bibigyang diin ang mga patakaran ng gobeyrno at kung paano ginamit ang mga ito sa mga insidente ng wiretapping o pakikinig sa mga tawag. Dapat pang makita kung ang mga patakarang ito ay magagamit laban sa papalaking bilang at presensiya ng milatar ng US sa ating bansa.
Mga Patakaran sa pagmamanman sa komunikasyon
May ilang mga patakarang gumagabay sa pagmamanman, tulad ng Anti-Wiretapping Law, Cybercrime Law, Data Retention Law, Human Securtity Act, at E-Commerce Act. Meron ding isang Memorandum ang Pambansang Komisyon sa Telekomunikasyon (National Telecommunications Commission o NTC) hinggil sa paghawak ng impormasyon at datos ng mga kumpanya ng telekomunikasyon.
Ang Anti-Wiretapping Act (AWA), na isinabatas noong ika-19 ng Hunyo 1969, ay ang unang batas na kumokontrol sa pagmamanman sa komunikasyon sa bansa. Ang Seksyon 1 ng AWA ay naglalahad ng: "Labag sa batas para sa sino man, na hindi pinahihintulutan ng ano mang panig sa loob ng ano mang pribadong komunikasyon o usapan, na kabitan ang ano mang wire o kable, o gamitin ang ano mang kagamitan o kaayusan para palihim na marinig, harangin, itala o i-rekord ang ano mang komunikasyon o usapan gamit ang isang kagamitan" Gayun pa man maaring gawin ito ng "sino mang opisyal na taga-panatili ng kaayusan, na binigyang kapangyarihan ng isang nakasulat na kautusan ng Korte" mula sa "isang nakasulat na kahilingan at sinumpaang salaysay ng humihiling at ng mga saksi."
Bago bigyan ng pahintulot, ang AWA ay naglalahad ng mga partikular na mahigpit na kundisyon na dapat matugunan: (1) "na mayroong makatwirang batayan para paniwalaan ang ano mang krimeng inilahad [...] ay ginawa o ginagawa o gagawin pa lamang," (2) "na merong makatriwang batayan para paniwalaan na ang ebidensyang makukuha ay mahalaga para sa mahatulan ang sino man para, o bilang solusyon ng, o para maiwasan ang, ano mang nasabing krimen," at (3) "na wala nang iba pang pamamaraan na magagamit upang makuha ang ganong ebidensya."
Dagdag pa, sa AWA, kinakailangan na matukoy (1) ang tao o mga tao na pakikinggan, (2) ang opisyal na taga-panatili ng kaayusan na siyang makikinig sa komunikasyon, (3) ang paglabag or mga paglabag na nagawa o sinasabing iiwasan, at (4) ang panahon ng pagpapahintulot. Lahat ng usapan na naitala o nai-rekord ay isusumite sa korte sa loob ng 48 oras matapos ang ibinigay na oras ng pahintulot.
Ang Seksyon 3 ng Katipunan ng mga Karapatan (Bill of Rights) na nilalaman sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ay tumitiyak sa karapatan sa pagiging komunikasyon ng bawat mamamayang Pilipino. Sinasaad nito na: "(1) Ang pagiging lihim ng usapan at komunikasyon ay dapat matiyak maliban kung may legal na utos ang korte, o kung nakasalalay ang kaligtasan ng publiko o kung kinakailangan ito para sa kaayusan, ayon sa itinakda ng batas." Partikular nitong hinihikayat ang mga awtoridad na huwag magsagawa ng ilegal na pagmamanman, dahil "(2) Hindi dapat tanggapin para sa ano mang layunin sa alin mang hakbangin sa paglilitis ang ano mang ebidensya na nakuha nang labag dito o sa sinusundang seksyon." Kaya ang kasalukuyang Revised Penal Code ay nagbibigay parusa sa ano mang ilegal na pagpasok, paghahanap o pagkuha na labag sa Bill of Rigths.
Ang Batas Republika 8792 (Republic Act 8792) o ang Electronic Commerce Act of 2000 ay ang unang batas na gumagabay sa mga elektronikong transaksyon o palitan sa ating bansa sa panahon ng pamamayagpag ng internet. Meron itong nakalaang seksyon (Seksyon 31) hinggil sa pagiging lihim (privacy) o legal na pagkuha: "Ang pagkakaroon ng isang elektronikong tala (file), pirma ng elektronikong mensahe o ng elektronikong dokumento, ay maari lamang mapahintulutan at maipatupad pabor sa indibidwal o entidad na may legal na karapatan na pagmay-arian o gamitin ang tekso (plaintext), elektronikong pirma o tala, at para lamang sa nakasaad na gamit nito. Ang elektronikong susi para sa identidad o integridad ay hindi maaring maibigay sa sino mang tao o partido nang wala ang pagsang-ayon ng indibidwal o entidad na may legal na pagmamay-ari sa natukoy na elektronikong susi.
Noong ika-6 ng Marso 2007, ang Human Security Act (HSA) ay nilagdaan at isinabatas ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ang Seksyon 7 ng HSA ay partikular na nagpapahintulot sa mga ahensyang tagapagpatupad ng batas para "pakinggan ang, harangin at itala o i-rekord, gamit ang ano mang pamamaraan, porma, anyo o tipo ng elektroniko o iba pang kagamitang paniktik o kagamitang pangharang at pangsubaybay, o sa pamamagitan ng iba pang angkop na daan at pamamaraan para sa ganoong layunin, ano mang komunikasyon, mensahe, usapan, talakayan, o mga salitang nabanggit o naisulat" sa pagitan ng mga tao na tinukoy ng gobyerno bilang "terorista" - o kahit pa ang mga bahagyang sinususpetsyahang terorista.
Makalipas ang limang taon, ang Cybercrime Prevention Act of 2012 (CPA 2012) ay nilagdaan ng kasalukuyang Pangulong Aquino. Ang Seksyon 12 ng batas na ito ay nagbigay kapangyarihan sa mga ahensyang tagapag-patupad ng batas para "kolektahin o i-rekord sa pamamagitan ng teknikal o elektronikong pamamaraan para salain sa aktwal na oras ang impormasyon kaugnay ng mga tukoy na komunikasyon na ipinapadala sa pammaagitan ng sistema ng kompyuter." Noong Pebrero 2014, tinira ng Korte Suprema ang seksyong ito ng CPA 2012 at nagpasya na labag sa konstitusyon ang aktwal na oras na pagkolekta ng impormasyon na dumadaan sa mga elektronikong lagusan.
Isang buwan bago naisabatas ang CPA 2012, pinirmahan ni Aquino ang Data Privacy Act of 2012 (DPA 2012). Ang batas na ito ay nagtutukoy ng mga karapatan ng "data subject" ---- at gayun din ang mga responsibilidad ng mga "data processors" o mga taga proseso ng impormasyon para tiyakin ang pagiging pribado o lihim habang "sinisiguro ang malayang daloy ng impormasyon para itaguyod ang pagbabago at pagunlad." Lumikha ito ng National Privacy Commission kung saan maaring madinig at maiproseso ang lahat ng reklamo sa "di-awtorisado na pagproseso ng personal na impormasyon at sensitibong pampersonal na impormasyon", "pagkuha ng personal na impormasyon o sensitibong pampersonal na imporamasyon dahil sa kapabayaan", "di-wastong paggamit ng personal na impormasyon at sensitibong pampersonal na impormasyon", bukod sa iba pa. Bagama't walang partikular na mga probisyon hinggil sa pagmamanman mismo, ang mga ibinibigay na karapatan sa "data subjects" at ang mga ipinagbabawal ay dagdag na mga pagtitiyak laban sa kahit anong uri ng pagmamanman, at sa partikular mula sa estado.
Bilang bahagi ng tungkulin ng pagkontrol para pangalagaan ang mga gumagamit ng serbisyong pangtelekomunikasyon, naglabas din ng memo ang Pambansang Komisyon sa Telekomunikasyon (NTC) noong 2007 hinggil sa pagpapanatili ng impormasyong nakalap (data log retention) sa daloy ng telekomunikasyon. Hindi kinakailangan ang memo na ito mula sa perspektiba ng privacy o pagiging lihim, ngunit ipinatupad pa din. Ito ay may "layunin na higit pang palakasin ang kapakanan at pangangalaga na nararapat sa mga gumagamit at/o mamimili" sa pamamagitan ng pag-atas sa mga kumpanya ng telekomunikasyon (telco) na itala o i-rekord at iimbak ang mga boses at hindi boses na impormasyon sa loob ng di-bababa sa dalawang buwan. Sa kasalukuyan, kahit na may ganitong memo, wala pang nabigyang-aksyon dahil sa labis-labis na mensahe sa SMS o text. Ang kaganapang ito ay karaniwang problema ngayon, kung saan ginagamit ng mga advertiser o taga-lako ang mga ilegal na natipong impomasyong pampersonal.
Ang insidenteng "Hello Garci" wiretapping
Napatunay ng sinasabing wiretap (pakikinig at pag-rekord ng isang paguusap sa telepono) na paguusap ng dating Pangulong Arroyo sa panahon ng eleksyon noong 2004, na ang pagmamanman sa komunikasyon ay nagaganap sa bansang ito.
Matapos ang pagpapatalsik sa Pangulong Joseph Estrada noong 2001, si Arroyo na noon ay bise-presidente, ay pumalit sa pwesto. Tinagurian si Arroyo bilang pinaka kurap na pangulo ng republika. Ang IBON Foundation, isang lokal na institusyon ng pananaliksik, ay nagtatayang nasa PhP 7.4 bilyon (181 milyong dolyar) ng pampublikong salapi ang nawala sa loob ng pitong taon niyang nasa kapangyarihan. Noong 2011, siya ay makakasuhan ng pandaraya sa eleksyon at pandarambong. Kasama sa pinakakilalang ebidensya sa kanyang pandaraya sa eleksyong pampresidente noong 2004 ay ang na-wiretap na pakikipagusap niya sa isang komisyuner ng eleksyon. Ito ay naging kilala bilang "Hello Garci Scandal".
Ang kumpletong pagsasalin o ang naka-sulat na kopya ng na-wiretap na usapan at ang naka-record ng buong usapan ay matatagpuan sa website ng Philippine Center for Investigaive Journalism (PCIJ). Sa pagsasalin na ito, makailang ulit na tinawagan ni Arroyo ang komisyuner ng Komisyon sa Halalan (Commission on Elections o COMELEC) na si Virgilio Garcillano (Garci) para tiyakin ang kanyang lamang, ng hindi bababa ng isang milyong boto, laban sa kanyang katunggali sa pagiging pangulo na si Fernando Poe, Jr. Tiniyak niya din na ang mga dokumento para suportahan ang kanyang pagkapanalo ay magkaka-tugma. Sa isang usapan, hiningi niya ang tala ng mga boto (mga kabuuang boto ng bawat bayan at munisipyo) para gawin ang mga itong tugma sa mga sertipiko ng mga boto (pinagsama-samang boto mula sa mga probinsya).
Ang operasyong Hello Garci ay nagbigay ng 12-0 panalo para sa partido ni Arroyo sa probinsya ng Lanao del Sur. Sa halalan ng Pilipinas, ang mga botante ay pipili ng 12 senador sa isang balota. Ayon kay Shiela Coronell ng PCIJ, isa itong operasyon ng pagmamanipula ng halalan "na may sabwatan ang militar, ang COMELEC at kahit ang Malakanyang" . (Ang Malakanyang o Palasyo ng Malakanyang ang opisyal na bahay at opisina ng pangulo ng Pilipinas).
Inilabas noong ika-6 ng Hunyo 2005 ang ang na-wiretap na usapan ni Arroyo mismo ni Ignacio Bunye, ang Tagapagsalita ng Pangulo. Kinausap ni Arroyo ang mamamyan sa pamamagitan ng isang talumpati sa telebisyon noong ika-27 ng Hunyo 2005 para humingi ng paumanhin sa "pagkakamali" na tawagan si Garci at tiniyak niya sa mamamayan na hindi siya nangdaya noong nakaraang halalan.
Sinayasat ng Senado ng Pilipinas ang insidente ng Hello Garci wiretapping. Lumabas na pinangasiwaan ng isang operasyong paniktik ng militar, na kilala bilang Project Lighthouse, ang pag-wiretap kay Garci at iba pang mga indibidwal na kabilang sa oposisyon. Nagawa ito sa pamamagitan ng tulungan ng Mga Serbisyong Paniktik ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas (ISAFP) at ng mga tauhan ng isang telco o kumpanya ng telekomunikasyon.
Inilantad ng Hello Garci scandal ang manipulasyon sa eleksyon, ang pinaka-sagradong karapatan ng mamamayan sa demokrasya. Dagdag pa, pinakita din nito ang kasalukuyang lawak ng pagmamanman sa komunikasyon na isinasagawa ng mga pwersa ng estado.
Pagmamanman sa mga kilusan ng mamamayan
Ang Pilipinas ay may matunog na protesta at mataginting na kilusan ng mamamayan. Noong 2001, mahalaga ang pinapel ng teknolohiya para sa pagpapaalis sa Pangulong Joseph Estrada batay sa mga usapin ng korapsyon. Ang TXTPower, isang grupo na binubuo ng mga gumagamit ng cellphone, ay naging aktibo sa paggamit ng pagmemensahe sa text sa panahon ng "Kampanyang Patalsikin si Erap" ng iba't ibang mga sektor ("Erap" ang palayaw ni Estrada). Kinalaunan ay naglunsad din sila ng katulad na aksyon laban kay Arroyo.
Ang mga aktibista na kasama sa mga kilusan ng mamamayan sa bansa ay nababahala sa mga ulat hinggil sa pagmamanman sa komunikasyon ng mga pwersa ng estado. Pinalakas pa ang mga pagaalinlangan na ito ng kaganapan na "Hello Garci". Lalo na noong kinuwestyon na Rehimen ni Arroyo hinggil sa tala ng kawalang katarungan para sa 1,206 na biktima ng pampulitikang pamamaslang, 206 na biktima ng sapilitang pagkawala, 2,509 na biktima ng ilegal na pag-aresto at 1,0999 biktima ng tortyur sa ikalawang siklo ng Universal Periodic Review ng United Nations Human Rights Council o ang pangkalahatang pana-panahong pagsusuri ng kunseho sa karapatang pantao ng mga nagkakaisang bansa. Ang gobyerno ng Pilipinas ay pumirma sa Internasyonal na Kasunduan sa Karapatang Sibil at Pampulitika (ICCPR), sa Internasyonal na Kasunduan sa Karapatang Pang-ekonomiko, Panlipunan at Pangkultura (ICESCR) at sa Pandaigdigang Deklarasyon sa Karapatang Pantao.
Kung paniniwalaan ang mga bagong ulat, ang kasalukuyang administrasyong Aquino ay bumili ng halagang PhP 135 milyon (USD 3 milyon) na mga pinaka-abanteng gamit paniktik para manmanan ang kanyang mga kritiko. Ang mga ito ay gagamitin ng ISAFP, na nakaka-alarma naman para sa mga aktibista. Ang ISAFP ang parehong ahensya na nanguna sa "Hello Garci". Maliban sa mga kinaugaliang personal na oryentasyong pangseguridad, karaniwang kasanayan na din ngayon sa mga aktibista ang pagtatalakay hinggil sa kasigurohan ng impormasyon o information security, para sa pag-iingat.
Naglabas din ng alarma ang mga aktibista sa EDCA ng kasalukuyang rehimen. Para sa kanila, "ang pagpapahintulot sa mga tropa ng US na maglagay ng mga kagamitan at drones na may malayang paggamit sa linya ng radyo, ay ang pinaka-mainam na paraan para sa pagmamanman ng mamamayan."
Nitong taon, ang Korte Suprema ay nagpawalang-bisa sa probisyon ng Batas Cybercrime hinggil sa real-time collection (pagkolekta sa aktwal na oras) ng impormasyon. Sa pagbibigay daan sa kampanya ng CPU at ng iba pang grupo sa internet, ito ay idineklarang na di-naaayon sa konstitusyon. Gayun pa man, ang libelo, ang pinaka-tinutunggali na probisyon ng Batas, na siyang pumipigil sa kalayaan sa pagpapahayag, ay pinagtibay na naayon sa konstitusyon.
Paglabag sa konstitusyon at sa internasyonal na pamantayan
Ang pag-wiretap ay isang porma ng pagmamanman sa komunikasyon. Ang Pilipinas ay di-nagkukulang sa mga batas na nagbabawal at namamahala dito. Ang AWA at HSA ay panimulang nagtatakda ng pagkalehitimo, pagkawasto at pangangailangan para sa pagmamanman. Ang dalawang batas na ito ay meron ding mahigpit na hinihingi sa mga opisyal na tagapagpatupad, kasama na ang pahintulot mula sa hukom para sa pagsasagawa ng pagmamanman, wastong proseso at pagpapa-abot ng impormasyon sa gagamit. Dagdag pa, ano mang di-awtorisado na pagmamanman ay parurusahan ng 10 hanggang 12 taon ng pagkakakulong sa ilalim ng HSA.
Habang nailantag ng "Hello Garci" ang kabulukan at pagiging-korap ng sistema ng halalan sa Pilipinas, ipinakita din nito ang tahasang kawalang-respeto sa karapatan sa privacy at sa 13 Internasyonal na Prinsipyo sa Aplikasyon ng Karapatang Pantao sa Pagmamanman sa Komunikasyon. Ito ay isinagawa ng walang pahintulot mula sa korte, walang wastong proseso at pagpapaabot sa gumagamit, at ipinakita nito na ang mga kumpanya ng telekomunikasyon at ang mga awtoridad ng estado ay magkatuwang na nagtatrabaho. Hanggang ngayon, hindi malinaw ang intensyon sa pag-wiretap kay Komisyoner Garcillano na di-sinasadyang humagip sa dating Pangulong Arroyo.
Kahit na mayroong mga batas na nagbibigay-katwiran sa pagmamanman sa komunikasyon, ang pagsasagwa nito ay nananatiling walang katiyakan. Ang HSA, AWA at ang Batas Cybercrime ay malawakang tinutulan dahil sa pagbibigay ng labis na kapangyarihan sa estado. Bagamat kinakailangan ng pahintulot mula sa mga korte, malakas na tinututulan pa din ang mga batas na ito dahil sa pinagdududahan na kawalang-pagpanig ng mga hukuman sa pagbibigay ng mga pahintulot sa pagmamanman.
Ang pampublikong pagtitiyak (public oversight) sa implementasyon ng HSA ay hindi pa nakikita. Ang batas ay tumutukoy ng Komite sa mga Reklamo (Grievance Committee) na binubuo ng Ombudsman, ng Solicitor General, at ng ikalawang kalihim ng Kagawaran ng Katarungan. Inaatasan ang komite na tanggapin, siyasatin at tasahin ang mga reklamo laban sa pulisya at iba pang pwersa ng estado hinggil sa implementasyon ng nasabing batas. Isang Oversight Committee na binubuo ng mga senador at kasapi ng kongreso ay dapat pang maglabas ng ulat hinggil sa mga tungkulin nito sa pagtitiyak.
Kakulangan sa integridad ng mga komunikasyon at sistema
Ang "Hello Garci" ang unang patunay na ang estado at monopolyo ng mga telco ay magkatuwang para manmanan ang mga mamamayan.
Napabatid nito sa publiko na sinusubaybayan ng mga telco at ng gobyerno ang mga tawag at mensahe sa text nang walang pahintulot ng korte at pagpapaabot sa gumagamit nito.
Sa kaso ng "Hello Garci," isang espesyal na modelo ng telepono ang ginamit upang matanggap ang mga tawag na ipinapasa dito ng telco para sa pag-rekord nito.
Dagdag pa, ang memo sirkular mula sa Pambasang Komisyon ng Telekomunikasyon (NTC), ang tagapangasiwa na gumagabay sa mga monopolyo ng mga telco, ay nagpapahintulot ng pagiimbak ng mga boses at di-boses na impormasyon bilang sanggunian sa mga reklamo ng mamimili. Isang kapareho na seksyon ng Batas Cybercrime hinggil sa aktwal na oras na pagbabantay sa daloy ng komunikasyon ang pinagpasyahan ng Korte Suprema na labag sa konstitusyon, bagamat ito ay para sa pag-uusig ng mga inirereklamo.
Ang Pilipinas ay bahagi ng MYSTIC at PRISM, mga programang para sa pagmamanman ng NSA
Mahigit isang daang taon nang nakatali ang bansa sa NSA ng US. Sa unang bahagi ng 1900, sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, gumamit na ng mga pamamaraan para sa pagmamanman. Para magapi ang mga gerilyang Pilipino na nakikipaglaban para sa kalayaan, ang hukbo ng US ay "lumikha ng limang pinagsamang mga na ahensyang pangseguridad, isang sentralisadong linya ng telepono, pagkuha ng fingerprint (tatak ng mga daliri), pagkuha ng pagkakakilanlan sa pamamagitan ng mga larawan at ang talatuntunan (index) ng mga tala ng pulisya na binubuo ng 200,000 nasalansan ayon sa pagkakasunod-sunod sa alpabeto, para makakalap, makakuha at masuri ang malawak na paniktik na impormasyon mula sa paniniktik."
Noong nakaraang Marso, isiniwalat ni Edward Snowden na ang lahat ng mensahe at mga tawag na dumadaan sa dalawang monopolyo ng telco sa Pilipinas ay nakukuha ng NSA. Bilang isang bansang merong mahigit 100 milyong gumagamit ng cellphone, at ang pagkakaroon ng isang mataginting na kilusang protesta na tinataguriang labis na masama dahil sa militansya nito, ang US ay merong sapat na dahilan para ipatupad ang malawakang pagmamanman sa buong bansa. Noong 2013, sinabi din ni Snowden na ang NSA ay meron nang nakatayong estasyon ng pakikinig listening post sa Maynila para isagawa ang pagmamanman sa mamamayan laban sa iba pang bansa sa Asya.
Kamakailan, isang bagong kasunduan sa pagitan ng US ang pinirmahan ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas. Pinahihintulutan ng EDCA ang mga kagamitang pandigma ng US na ilagak sa Pilipinas. Ang US ay mayroong nagsasalitan na presensya ng militar sa pamamagitan ng kanyang malimit na pamamalagi. pagsasanay na pinahihintulutan ng Visiting Forces Agreement (VFA) o kasunduan sa pagbisita ng mga tropa ng Amerika. Ang EDCA ay pinagaralan na ng isang grupo ng mga propesyonal sa kompyuter, at nakita na ito ay "isang paanyaya para sa walang kontrol na komunikasyon at pagmamanman" dahil sa probisyon nitong nagpapahintulot sa tropa ng US na gamitin ang buong linya ng radyo, na mahigpit na pinamamahalaan ng Pambansang Komisyon sa Telekomunikasyon.
Konklusyon
Ang Pilipinas ay may mga batas na hinggil sa pagmamanman sa komunikasyon simula pa noong 1969. Tinatanganan ng konstitusyon nito na ang privacy ay isang pundamental na karapatan ng kanyang mamamayan. Sa iskandalong "Hello Garci," kung saan ang dating Pangulong Arroyo ay nahuling inuutusan si Komisyoner Garcillano na naka-wiretap sa ilalim ng ahensya ng paniniktik ng sandatahang lakas, para dayain ang at tiyakin ang kaniyang pagkapanalo sa halalan sa pagkapangulo noong 2004. Hindi pinatupad dito ang karapatan sa privacy at ang mga prinsipyo ng awtoridad na pang hukuman, wastong proseso at pagpapalam sa gumagamit. Ito ay nagsilbing patotoo sa mga pangamba ng mga aktibista at tagapag-taguyod ng privacy sa posibilidad ng sabwatan ng mga telco at pwersa ng estado para sa paniniktik sa elektronikong komunikasyon.
Dagdag pa, ang Pilipinas ay may mahabang kasaysayan na ng pagiging bahagi ng programang paniniktik ng NSA. Ang mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon ay sunod-sunuran sa interes ng US, kabilang na ang pagpapahintulot nang pagtatayo ng pwesto na pangpakikinig ng NSA, ang paghawak ng malawakang impormasyon mula sa mga cellphone, at ang pagaangkat ng mga kagamitan para sa pagmamanman sa ilalim ng EDCA at VFA.
Gayun pa man, batid ng mga Pilipinong netizen (mga mamamayan na gumagamit ng internet) ang kanilang pampulitikang lakas kapag ito ay napakilos. Sila ay naging aktibo sa pagpapatalsik ng dalawang nakaraang pangulo at muli nilang napakita ang kanilang kakayahan noong 2013 na Million People March laban sa kurap na paggamit ng pondo ng rehimeng Aquino. Hindi nagtagal bago nila napagtanto na ang estado at ang US ay dati nang tinitiktikan ang kanilang mga aktibidad sa internet at kahit sa labas pa nito.
Mga Hakbangin
Ang mga sumusunod ang mga rekomendasyon na maaaring gawin para ang kaalaman sa 13 Prinsipyo at para sa masmalawig na pagunawa ng karapatan sa privacy ay mapalaganap:
> Sa pamamagitan ng mga kampanya, ipabatid ang mga isiniwalat ni Snowden at kung paano nagtutulungan ang estado at mga telco with ang NSA para isagawa ang pagmamanman sa komunikasyon.
> Ilapit sa mga mambabatas ang isang panukalang batas hinigil sa mga karapatan sa internet, na tulad ng sa Brasil.
> Ipanawagan ang mahigpit na implementasyon ng Data Privacy Act o batas sa pagiging pribado ng mga impormasyon, bilang proteksyon ng mga mamamayan mula sa maling paggamit ng impormasyon para sa ganansya.
> Lumikha ng mga usapan hinggil sa kasiguruhan ng impormasyon at karapatan sa privacy, katulad ng sa oryentasyon ng CPU para sa mga aktibista.
Tuazon, J. M. (2012, December 4). 20 years on, SMS remains king in the ‘texting capital of the world’. Interaksyon. Accessed July 17, 2014. www.interaksyon.com/infotech/20-years-on-sms-remainsking-in-the-texting… (20 years on, SMS remains king in the ‘texting capital of the world’. Interaksyon)
MST Lifestyle. (2013, May 21). PH is social networking capital of the world. Manila Standard Today. manilastandardtoday.com/2013/05/21/ph-is-social-networking-capital-of-the-world
Golangco, V. (2014, March 13). Sexy and social: why Manila is the selfiest city in the world. The Guardian. www.theguardian.com/cities/2014/mar/13/manila-selfiest-city-most-selfies
International Telecommunication Union. (2013). Measuring the Information Society 2013. www.itu.int/en/ITU-D/Statistics/Pages/publications/mis2013.aspx
Robinson, K. (2014, May 22). ‘NSA Gone Wild’ in the Bahamas, Mexico, Kenya, the Philippines and more. AccessNow.org. https:// www.accessnow.org/blog/2014/05/22/nsa-gone-wild-in-thebahamas-mexico-ke…
Devereaux, D., Greenwald, G., & Poitras, L. (2014, May 19). Data Pirates of the Caribbean: The NSA Is Recording Every Cell Phone Call in the Bahamas. The Intercept. https://firstlook.org/theintercept/article/2014/05/19/data-pirates-cari…
Computer Professionals’ Union. (2014, March 2). Enhanced defense cooperation: an invitation for surveillance, drones and unregulated communications. Computer Professionals’ Union. www.cp-union.com/article/2014/05/02/enhanced-defensecooperation-invitat…
www.lawphil.net/statutes/repacts/ra1965/ra_4200_1965.html
www.gov.ph/constitutions/the-1987-constitution-of-the-republicof-the-ph…
www.ipophil.gov.ph/images%5Cipenforcement%5CRA8792-ECommerce_Act.pdf
www.congress.gov.ph/download/ra_13/RA09372.pdf
www.gov.ph/2012/09/12/republic-act-no-10175
Data Retention of Telecommunications Traffic, Memorandum Circular 04-06-2007, National Telecommunications Commission, 8 June 2007.
Gopalakrishnan, R. (2007, December 11). Arroyo “most corrupt” Philippine leader: poll. Reuters. www.reuters.com/ article/2007/12/12/us-philippines-arroyo-idUSSP30281220071212
GMANews.TV. (2008, March 4). IBON: Corruption scandals under Arroyo cost Filipinos P7.3B. GMANews.TV. www.gmanetwork.com/news/story/83278/news/nation/ibon-corruption-scandal…
Associated Press. (2011, November 18). Philippines charges Gloria Arroyo with corruption. The Guardian. www.theguardian.com/world/2011/nov/18/philippines-asia-pacific
pcij.org/blog/2005/06/25/downloadables-section/3
pcij.org/blog/2005/06/25/downloadables-section
Coronel, S. (2005, November 2). Lanao’s dirty secrets. Philippine Center for Investigative Journalism. pcij.org/stories/lanaos-dirtysecrets
A transcript of the president’s speech is available on the PCIJ website: pcij.org/blog/2005/06/28/the-president-says-i-amsorry-i-want-to-close-this-chapter-2
GMANews.TV. (2007, August 22). Doble: ‘Hello Garci’ wiretap ops done through Smart mole. GMA News. www.gmanetwork.com/news/story/57157/news/nation/doble-hello-garci-wiret…
Olea, R. (2012, May 21). Groups score continuing rights abuses as The Philippines and the Universal Periodic Reviewundergoes review by UN body. Bulatlat. Accessed July 17, 2014.
Tan, K. J. (2014, April 8). Palace backs ISAFP, denies using spy gadgets vs. opposition. GMA News. www.gmanetwork.com/news/story/355967/news/nation/palace-backs-isafp-den…
Computer Professionals’ Union. (2014, March 2). Op. cit.
https://en.necessaryandproportionate.org/text
Data Retention of Telecommunications Traffic, Memorandum Circular 04-06-2007, National Telecommunications Commission, 8 June 2007.
Morey, M. (2013, June 25). From Philippines to NSA: 111 years of the U.S. surveillance state. Occupy.com. www.occupy.com/article/philippines-nsa-111-years-us-surveillance-state